Ma-drama ang aking gabi ngayon, pero totoo.
Isang malamig na gabi at tatlongpu't walong minuto makalipas ang alas tres. Hala, umaga na pala! Ngunit dahil ako ay may sakit, hindi ako dinadalaw ng antok. Sayang lang ang mga gamot na ininom ko. At dahil dun, magkwekwento na lang ako. Sabi ko nga sa inyo 'di ba, ang mga istorya ay regalo. Hayaan niyong regaluhan ko kayong muli.
Eto na siguro ang pinaka-mahabang post na magagawa ko. Huwag na kayo magtaka, hindi pa ko inaantok eh. He he. Ang totoo nyan, pilit akong humuhugot ng katinuan sa kasalukuyan. Oo, sa kasalukuyan. Oo, habang sinusulat ko 'to. Oo, habang lumalapat ang mga daliri ko sa keyboard. Bakit?
Ako ay takot. Takot akong matulog sa dilim.
Ate? Ate ko? Ate Meg?
Dati, kapag natatakot akong matulog mag-isa, tatakbo ako sa kwarto ng ate Meg ko.Tatabi muna ko sa kanya hanggang sa mawala takot ko. Kaso, wala na siya sa kwarto niya. Umalis na si ate Meg. Lumipad na siya papuntang Tsina. Sakay ng eroplano ha? Siyempre.
Umalis na ang taong nagdala sakin sa Pacita National Highschool. Naaalala ko pa.
Tag-araw noon. Abril ng nakaraang taon. Ayoko maiwan mag-isa sa bahay kaya sabi ko, "ate, isama mo naman ako. Ayoko mag-isa dito sa bahay. Masyado malungkot." Nung ding araw na yun, nagbago ang buhay ko.
Saan patungo ang aking kapatid? Bakit pupunta siya ng paaralan na iyon? Iyon ay para sa isang programa para sa Singles For Christ (SFC). Marahil nagtaka ang aking ate ng mga panahon na yun. Pinigilan na lang niya ang kanyang sarili na magtanong kung bakit ako sumama. Totoo na nung una, kaya ako sumama kasi ayaw ko maiwan sa bahay. Malungkot. Malungkot ang buhay ko nung mga panahon na yun. Ayokong sayangin ang panahon ko sa hingapis na dinulot ng mga pangyayari. Sa isang karaniwang tao marahil, hindi mahalaga ang mga nangyari sakin. Pero para sakin, malaki ang naging epekto nito.
Magulo, malungkot, yan ang mga tamang salita na pwedeng magbigay depinisyon sa buhay ko dati. Siguro napakasama kong tao kaya noong mga panahon na yun, kinuha ang lahat sakin ni Lord. Ay sus! Ako rin, akala ko sa mga telenovela ko lang maririnig ang mga salita na yun. Kaso, ayun, nangyari na nga sakin. Hindi ko na alam kung saan at paano ako tatayo.
Pasensya na kayo, hindi ko na iisa-isahin kung paano kinuha ni Lord ang lahat nang binigay Niya sakin.
Hindi ko inisip na lahat ng maririnig ko nung panahon na yun sa loob ng isang silid-paaralan sa Pacita ay matatamaan ako. Masakit marinig na sa tinagal-tagal ng panahon, nagkamali pala ako sa aking mga naging kilos. Akala ko ginagawa ko na ang tama. Ang yabang ko pa para isipin na kakayanin ko ang lahat ng walang ibang tutulog sakin. Mali pala ko.
Noon ko din nalaman na lahat ng mga ginagawa ko sa buhay, hindi ako ang nagpaplano kungdi si Lord. Ang lakas pa ng loob ko para sabihin na mga plano ko nga ang mga yun. Hindi pala! Siya lang ang pwedeng magsabi sakin, satin, kung ano and dapat natin gawin sa buhay. Ang pagkakamali lang natin, hindi tayo marunong makinig sa Kanya. Kaya ayun, nagkakanda letse-letse (patawad) ang mga buhay natin.
Kinabukasan.
Kita ang mga patak ng ulan sa gilid ng bintana mula sa aking puwesto sa opisina. Walong minuto na lang at alas diyes na. Wala pa rin ang karamihan sa aking mga katrabaho. Saan nga ba papunta ang salaysay na ito?
Mimi, eto na ang sagot sa katanungan mo.
"Finally, I made the right choice," sinabi ko minsan. Nagtaka si Mimi. Honga pala, si Mimi ay isa sa mga kasalukuyang katrabaho ko sa i-Pay. Huwag mo lolokohin yan kung ayaw mo malipat ilong mo sa pwet. Mimi peace tayo ha? *peace sign*
Sa wakas, sa unang pagkakataon ng maikling buhay ko, naging tama ako sa desisyon kong sumali sa SFC. Malaki. Malaki ang naitulong nito sa buhay ko. Maraming salamat sa inyo ha?
Mula sa aking mga pagkakamali, tinulungan ninyo akong makabangon muli. Sa pamamagitan ninyo, tinawag ako ni Lord. Niyakap Niya ako at sinabi, "Punasan mo ang iyong mga mata at lumapit ka sa akin. Mamahalin pa rin kita kahit ang mga ito'y may luha."
Madilim ang paligid. Gabi na naman. Ilaw mula sa aking laptop ang nagsisilbing liwanag sa aking gabi. Kailangan ko pa bang matakot? Kailangan ko pa bang mag-alala? Hindi na. Dahil mula sa dilim, ako ay hinugot Niya.
No comments:
Post a Comment