Sa mga Ulap Kagabi
Kumurot ako sa mga ulap kagabi.
Isang basang pisngi ang lumantad sa aking paningin.
Pagdampi sa may hita,
buong lakas na yumakap na parang wala nang bukas.
Naupo ako sa mga ulap kagabi.
Tiningala ko ang iyong mga mata.
Tila may pangungusap na 'di mawari;
ipagpaumanhin mo na at bukas ito ay wala na.
Sinubukan kong hawakan ang mga ulap kagabi.
Parang bula, sinilip ko ang aking mga palad.
Wala na nga,
at hindi mo na maitatago ang ngiti sa iyong mga mata.
Humampas sa karagatan ang mga ulap kagabi.
Ang mga basang bato sa dalampasigan ay andoon pa rin.
Iniisip ko lang daw ang aking sarili;
sabi ng taong yumuko bago ko nilisan patungo sa kalayuan.